2nd Prize, Gawad Komisyon sa Sanaysay
Komisyon sa Wikang Filipino, Patimpalak sa Pagsulat ng Sanaysay 2004
Sanaysay ni DANIW T. ILI
(Joel B. Manuel)
“Hindi basta itinatapon lamang ang nobelang ito. Dapat kailangan ang napakalakas na paghagis dito.”
-Dorothy Parker (1893 - 1967)
Amerikanang manunulat
“Dalawang paraan ang pagdulog sa isang nobela: Una, puwedeng pag-aaralan ang imahen na inilalarawan ng may-akda. Pangalawa, puwedeng ang buhay mismo ang ating pag-aralan.”
-Benito Pérez Galdós (1843 - 1920)
Nobelista at dramaturgong Español
PINIGIL ko muna ang mga namumuong butil ng likidong himagsik sa gilid ng aking mga mata. Pinigil ko muna iyon bago ko tiniklop ang aklat na nagdurugo na ang bawat pahina dahil sa buhay na tintang aking ginamit sa pag-angkin dito.
Pinahid ko muna ang nagbabagang damdamin na walang gustong dadaluyan kundi sa mga mata ng kaluluwa. Dahil sa pag nagliyab na ang isipan, naglalagablab na ang damdamin, natutupok ang persona na ayaw umalis sa realidad ng mga pahina. Ngunit sa pagkakatupok ng estetika at kamalayan na iyon, nababago ang pananaw, sumisilang ang isang konsepto ng pag-aklas na hindi kayang iluwal ng pagtingin lamang sa realidad sa pamamagitan ng dalawang dilat na mata.
May pangatlong mata ang makata, may pangatlong tainga, may pangatlong damdamin at may pangatlong buhay din. Ang mambabasa ay may pangatlong tainga, damdamin at buhay din. Ang unang mata ay para sa realidad ng mundo, ang pangalawa ay para sa realidad ng imahinasion at ang pangatlo ay para sa realidad ng isinabuhay na mundo. Madalas nararating ng makata ang pangatlong level ng kamalayan; ngunit kung marating na ng mambabasa ang pangatlong level na yon, hindi na pagpasok sa realidad ng akda iyon-isang pagsasabuhay, isang level na ang mambabasa ay naging bahagi na ng akda.
Hindi nga binabasa ang isang magnum opus.
Hindi nga pinapasok lamang ng isang mambabasa “na gustong malinlang lamang, gustong isantabi muna ang pag-aalinlangan at sumakay sa behikulo ng arte ng may-akda.”
Hindi binabasa ang isang magnum opus. Hindi.
Pumapasok ang isang mambabasa at iiwan ang realidad, hindi maupo bilang pasahero ng emosyon lamang; dapat maging karakter siya sa mundong likha ng makata, maging tauhan na nakakarinig ng mga dagundong at pagsabog, mga pag-awit ng batis, mga mumunting bulung-bulongan ng mga dahon. Andoon siyang nagdurugo din ang puso sa mga inhustisiyang pinapanglatiko sa bayan, sa mga kaapihan ng mga sugatang dibdib,
napipiga ang puso sa pagkahiwa ng emosyon ng
ili3, isa siya sa mga nagsipagtirik ng mga kandelang tumatangis, isa sa mga nagsipagtaas ng
talunasan4 ng mga mahihirap upang tubusin ang kaluluwa ng bayan sa pamamagitan ng kaniyang kayumangging dugo.
Sa isang magnum opus, nabubuhay ang mambabasa doon. Pumapasok siya sa karanasan, dinadama ang mga
sag-ot5 at himaymay at binabagtas ang mga landas ng pang-unawang emosyonal at pagkatapos niyon, ipinapasok niya ang karanasan sa kanyang realidad, buhay at sensibilidad. Pagkatapos, isinasadugo, isinasadibdib, isinasa-kaluluwa ang pamumuhay sa akdang iyon. Ang buhay na iyan ay nagiging makatang dugo rin, nagiging diwa ito ng rebeldeng katinuan, nagiging dagundong ng estetikong kamalayan. Mananatili ang mga karanasan na iyon upang maging apros at ariwengweng sa kaluluwa ng sambayanang karanasan.
Isang pakikipagtagpo sa mga anito at anino, mga
dukaw6 at
mangmangkik7 ng nakaraan, ngayon at bukas ang isang nobela. Ayon kay Bakhtin, ang isang nobela ay isang pakikipag-usap at pag-uusap ng akda, may-akda, at mambabasa sa mga puersa ng historia, kamalayan at sosyedad.
Marami ngang pag-uusap, literal at di literal na naganap sa akdang Ang Aso, Ang Pulgas, Ang Bonsai at ang Kolorum ni Jose Rey Munsayac. Nakiusap nga muna ang mga pangunahing tauhan sina Ento, Kulas, Julia, Maning at iba pa sa kanilang kakayahang maglunsad ng pag-aklas nang malamang inabandona na sila ng kanilang mga pinuno sa kilusan; nakiusap sila sa dati nilang heneral na si Pakong na noo’y galamay na ng mga agongan at naging pinakamatinding kalaban nila. Nang lumaon, nakipag-usap na sila sa pisikal na paraan, yung madugong pakikipag-usap ng mga gerilya na nauwi sa kanilang pagkasawi bilang mga martir.
Humupa ang rebolusyon, napasakamay ni Maning ang pamumuno sa mga nananahimik na rebolusyonaryong ayaw munang makipag-usap sa pamamagitan ng dugo, lumikha sila ng pamayanang tinawag na Bagong Bayan na kung saan lumaki ang mga bagong henerasyon ng mga manghihimagsik na kinabibilangan ni Victoriong anak nina Ento at Julia. Ngunit ayaw matigil ang kasaysayan sa pag-ukilkil, parang madaldal at makulit na bata at muling nabuhay ang aklasan ng pakialaman na naman ng mga negosianteng si Don Chioco at Kabesang Pakong din ang pinamumugaran nilang katahimikan.
Dumating ang pangalawang digmaan at nabuhay ang rebolusyon sa mga taga Bagong Bayan ngunit sa ibat-ibang pangkat sila nasapi, nakulong si Maning sa bansag na collaborator, may nabaliw, may namatay, may pinatay pagkatapos ng digmaan. Napasakamay ni Victorio ang kilusan na ngayon na ay naging pamayanan, lumaya si Maning at bumalik sa dating pugad ng rebolusyon sa Biak na Bato kung saan gusto na ring kamkamin ng mga propitaryo. Sumapit na ang panahon ng mga komunistang kilusan at naulit na naman ang nakaraang naiipit ang bayan. Nagtatapos ang mala-epikong nobela ni Munsayac nang lumisan si Juan Lazaro sa pamayanan at sumapi sa hukbo ngunit naidilat ang kanyang mata na pinapatay niya ang kanyang uri at sa isang demonstrasyon, pinatay niya si Kabesang Duwardong Putol, ang propitaryo na simbolo ng pang-aapi at bumalik siya sa kanilang nayon.
I.
ALLUNGOGAN8 at
ARIWENGWENG: MGA BOSES ng ILI
Hindi rin basta-basta binibitiwan ang isang sentenaryong epiko ng pasakit at pagmamalasakit, isang panitikan na may makamasang lasa, isang metapora ng pag-aklas na nababalot sa taginting at dagundong at ariwengweng ng mga salitang di kayang paslangin ng hilaw at puting kapangyarihan at pagmamalabis.
Kayat nang tumimbuwang na ang matabang katawan ni Kabesang Duwardo sa lansangan ng buhay na rebolusyong pinangalanan at pinahalagahan ng mga hinuthot na kamalayan, bumangon na ang aking budhi at dumaloy ang mainit na luha ng aking pakikibaka rin, ang aking pagbunyi sa aking pagsapi sa kilusan ng mga puwing na katulad nina Ento at Kulas, Maning, Victorio, Juan Lazaro at Julia, mga walang pangalan at walang dambana at walang monumentong martir na hindi nalagay ang pangalan sa mga aklat ng ignoranteng kasaysayan o sa mga bibig ng makakalimuting kabataan.
Nalagay nga sila sa isang aklat na hindi lamang nobela ng pagtubos sa bayan kundi isang kronika ng pagwawasto na may tangkang isulat muli ang kasaysayan ng ating rebolusyon- hindi sa punto de bista ng mga tinitingalang persona ng pag-aklas kundi sa kamalayan ng mga huthot, mga
nakurapay9,
napanglaw10 na talagang dapat sanang magtamasa sa mga ani ng rebolusyong pambansa. Sa wakas, nalagay sila diyan.
Pinakinggan ko sa kahuli-hulihan ang “bakit nga ba ganon?” na naging tanong din na walang kasagutan mula puno hanggat dulo ng mga markadong tanong nga mga markadong tao sa mga markadong sandali na kailangan ang kanilang bisig para sa pakikibakang siklo ng ating kasaysayan. Pinakinggan ko ang “Sasama ka ba? Sumrekka11?” Tanong yon sa mga mangurkuranges12 na kaluluwa na yinurakan pa ang kaunting dangal, inapi ang kakaunting kalintegan13, at babangon yan na parang kalansay ng paniningil, babangon iyan at kakapit sa mga anino at anito ng rebolusyon, maging Katipunan, maging Santa Iglesia, maging Colorum, maging Huk, maging NPA o ano pa man na tawag sa mga malkontentong bahagdan ng lipunan.
Para na ring sinabi ni Munsayac na walang katapusan ang rebolusyon hanggat wala pang kasagutan sa mga tanong na iyon. Hanggat bingi ang kasaysayan, bingi ang kinabukasan sa mga kayumangging katanungan at kayumangging hinaing, daratal din at daratal ang mga lapian ng mga maliliit, lapian ng huthot upang hanapin ang ili ang kanyang “
babassit a darepdep14”. Yan palagi ang sagot ng bayan at kasaysayan sa mga tanong ng akda at may-akda at mambabasa.
Pinakinggan ko rin at nadama: napakahirap ang mangmang, napakahirap ang walang pinag-aralan, narinig ko iyan sa mga balanang hinamak ng paglansi at pagsasamantala at nakita kong ariwengweng ito ng mga episodo ng kasaysayan: tinig ito ng mga mumunting Andres Bonifacio, isang alingawngaw ito ng laitin ni Daniel Tirona sa isang pagpupulong sa Tejeros noong Marso 22, 1897 si Apo Andres Bonifacio nang sabihin ni Tirona na komo hindi abugado si Supremo Andres ay hindi dapat umupo sa napakataas na tungkulin ng Direktor ng Interyor.
Punung-puno ng kaluluwa ni Apo Andres ang akda ni Munsayac; hindi ka puwedeng manirahan doon sa akda na hindi mo mapakinggan ang kahit munting tinig nito -- ang pag-aalangan sa isipan ni Ka Ento nang mawalan ito ng lider dahil sa pag-abandona ng kasamahan. Si Ka Ento na tumayong isang munting supremo, supremo ng mas maliit ngunit hindi kailangang mas mahinang Katipunan; dahil ang kahinaan ay isa lamang sa mga relativistikong pagtawag, isang panangnagan o panangbuniag15 na lumalabas na sangkap ng estratehiyang propaganda.
Andoon ako at palagay ko, narinig ko rin ang boses ni Emilio Jacinto, mas walang pangalan nga lang, mas walang pangalan kundi lang Sarhento Kulas na nagsasabing: “Humayo kayo mga kapatid. Maging punla kayo ng rebolusyon sa kapatagan, maging liwanag kayo sa kadiliman,” habang nililisan ng mga rebolusyonaryo ang kabundukan upang mamuhay ng tahimik? at mapayapa? sa kapataran. Hindi ito pag-amin ng pananahimik kundi isang paghamon ng pagpaparami at pagpapalakas ng kilusang ipinaglihi sa kinabukasan. Sumasagot ang bayan at ang pakasaritaan16 sa dagundong na ito at noong panahon ng kasagsagan ng mga NPA tunay ngang napakarami nila at halos maimpluensiyahan ang tatlong bahagdan ng ating bayan.
Masasabi ngang kasaysayan ito ng madlang paghihimagsik ngunit hindi pa rin nakaiwas si Munsayac sa paglikha ng mga personang humawig ang tinig-buhay nila sa mga dakilang persona ng himagsikan. Hindi kinakapos si Munsayac ng tauhang tulad ni Trining na mamarapatin nating tawaging si Gabriela, si Julia na naging asawa ni Kapitan Ento na anino rin ng butihing Gregoria de Jesus. Maski hanggang ngayon, hindi maipagkakaila ang papel ng armadong pag-aklas na ginagampanan ng mga babae-mga
amasona17, o
soldadera18 o guerillera na nagbibigay ng kulay at buhay at romansa sa usaping pag-agaw ng kapangyarihan sa kamay ng iilan at mayayaman.
Bagamat ang kamalayang Filipino ay muling isinatitik ng dayuhan upang piliting pawalang-lugal ang mga babae sa labas ng
sagumbi19, sa labas ng
dapogan20, sa labas ng indayon21, nakita nating sa kasaysayan pala ay kawangki ng lalaki ang babae,
kapisi-ti- puso22,
kaparagpag23,
kabinnukot24; sa pagtatanim man ng butil ng pagkain, sa pagtatanim ng buhay, o sa pagpupunla ng himagsikan!
Pagkapasok ko pa lamang sa realidad ng akda ni Munsayac, sinalubong na ako ng mga napakalakas na pagsabog ng mga tinitimping
gurruod25 ng mga huthot, gurruod na bumitak at tumuhog sa nobela mula simula hanggang wakas. Kulog ito at kidlat na nanggagaling hindi mula sa langit kundi sa lupa, mga sangasangang kidlat na umuukit ng mga mumunting tilamsik ng apoy na hindi mas madilim kaysa punong-bahagi nito. Samakatuwid, ang kulog na mga ito ang pinakamalakas na sigaw ng akda, mas malakas pa kaysa pisikal na sigaw nina Bonifacio at mga tauhan ng punitin nila ang kanilang mumunting katapatan sa España sa mga nagbubuntunghinigang mga burol sa Pugadlawin na kaugnay din ng pag-iisip ni Kapitan Ento:
“Ang Katipunan ay tayong mga mangmang at walang-pinag-aralan; tayong mga mahihirap na magbubukid…ang Republika ay ang sandatahan ng mga edukado at may pinag-aralang mga indio.”
Hindi lang ngayong salinglahi mapapakinggan ang mga ariwengweng na yan. Hindi na. Inaangkin na ng makabagong Filipino ang kasaysayan na nakasulat sa mata ng kayumangging dikta, dadagundong na yan sa panitikang unti-unting hahanguin sa pagkakalublob sa putikan ng maputing mapanglinlang na lente ng kronikang kinasawsawan ng mga dayuhan. Iyan ang sagot ng bayan.
Nararapat ding sabihin at igiit na may pinakatampok na tauhan ng akdang sentenaryo ni Munsayac na aking nakadaop-kamay at kinasama sa pakikibaka: si Kamangmangan na kung minsan ay nakapanggayak na katulad ni Kahirapan, nina Kahuthotan at Magbubukid at Trabahador. Sila ay mga walang mukha, walang pangalan, walang kasaysayan, o inagawan ng kasaysayan; silang tauhan dito na “pumipirma lamang sa pamamagitan ng ekis, tatak-daliri lamang kung lumagda;” silang walang kapangyarihan na karakter na “pumapasok sa kusina” ng sosiedad, hindi sa “harapan, sa may balkonahe” ng ili o
pagilian26. Si Kamangmangan ay isang
umili27 o agat-pitak28 na ginagawang “sangkalan” at sa pag-aagawan ng kapangyarihan, si Umili na walang uuwiang ili ang “gagawing piyon at pambala ng kanyon!”
Iyan ay pagmamasid na karugtong din ng pagmamasid ni Karl Marx, at manapat pang sabihin nagsasalita si Marx sa akda hindi sa mga bibig ng mga pilosopo at dalubdunong kundi sa mga bibig ng mga maralita, mga maralita na nakakadarama kung ano ang damdamin ng pakikibahagi sa “tunggalian ng mga uri.”
Sa isang akda tungkol sa isang bansa, sa isang bansang nabuhay sa isang akda, lalabas at lalabas ang mga propeta, mga sugo ng
sao29, sugo ng buhay na verbo upang panatilihing buhay ang isang simulain. Naging propeta ng bayan si Maning, tagapagbigkas ng mga kaisipang mas malaki kaysa sangkatauhan, mga sao na nagtayo ng bagong pamayanan. Duguan ang kanyang mga sao, mga natitirang kronika ng himagsikan nina Ento at Kulas at Julia na gustong isiksik sa mga kabataang punla ng nahihimlay na pag-aklas. Naging kayumangging Moses si Maning, nagtayo ng mga toldang kubo sa kaparangan ng kabundukan at binuhay ang kanyang kawan hindi lamang sa bigas kundi sa buhay na sao ng Diyos.
Mula sa nakaraan, sumasagot ang Lumang Tipan sa usaping iyan. Sa pagsipat ng paglaganap ng pamayanang Israel, naunang pinuno ang mga haring-heneral tulad nina Saul at nang nalipol na ang mga kaaway at namumuhay sila ng tahimik, sumunod ang mga pilosopo at matatalinong hari tulad ni Solomon. Ito ang naging balabala30 ng nobelista sa puntong ito, ang kaniyang naging padron mula sa pakikibaka hanggang sa pamamayapa ng himagsikan.
“Mapagkakamalan na isang Kristong katutubo,” sabi naman ng may-akda sa batang si Victorio, ang Anak ng Bayan habang nagpakuha ng larawan sa bumisitang peryodista na si Rafael. Kristong katutubo nga at hindi nag-ingat si Munsayac sa pagsasabi niyan, Kristong katutubo na hinihintay ng madla na magkakalag sa kanila sa kahirapan, sa kawalang kapangyarihan, Kristong gagamot sa pagkabulag ng masa, sa leproso ng sosiedad, sa palsy ng ili. Kristong hahati sa tinapay ng kabuhayan, upang walang maramihan at walang mawalan. Kristo itong ang mukha ay tagumpay, tagumpay ng lahing inapi, tagumpay ng mahihirap at karamihan. Hanggang ngayon, tulad ng pangalawang pagpunta ni Kristo sa lupa, hinihintay pa rin natin si Victorio na magtagumpay sa simulain ng himagsikan. Anak siya ng Bayan, nagdede siya sa mga dibdib ng karalitaan, dibdib ng mga aspirasyong taga-lupa.
Sa kalagitnaan ng mga dagundong ng pakikibaka, sa pusod ng mga alingawngaw na ayaw humupa, may tinig pa rin ng katotohanan, may tinig na gusto kong paniwalaan na tinig mismo ng may-akda sa loob ng kanyang hinawan na mundo ng tunggalian at pag-aagawan ng kapangyarihan. Ito ay ang tinig ng peryodistang si Rafael, isang mapagtanong, mapagtanto at may malikot na mata ng katotohanan. Naging kasangkapan siya ng pakikisawsaw sa digmaan ng mga grupo ng lipunan.
Malinaw ang pagkakalikha ni Rafael sa akda-upang bigyan ng propaganda ang kilusan, upang bigyan ito ng bibig at dila na katulad din ng pagkakaroon ng bibig at dila ng Rebolusyong Pambansa sa pamamagitan ng Propaganda Movement. Sa huli, rin, naging malamig na yelo ang pakikitungo ni Rafael sa kilusan, isang pagtatagumpay ng panahon, pagtatagumpay ng pagbubusal sa kanya pagkatapos na mahalal siya bilang kasapi ng Asemblea. Sa malas, hindi rin sila nagkakaiba kay Atty Dante Ilestrisimo na hating-pusong tumulong sa kilusan dahil nga nagagambala ang kanilang pagkaidlip sa indayon ng kapangyarihan, pinakinggan nila ang madilim na duayya31 ng pamahalaang walang ginawa kundi akitin ang mga lider ng kilusan at iwanan ang mga maliliit na gagawa pa rin ng mga “rebolusyon kanila naman!”
Kagaya nina Ento, Sebyo, Maning at Julia, sino ba ang hindi matatakot sa ungol at ngisi ni Philip, ang hindi makapagsalita ngunit pinakamakulay na tauhan ng nobela ni Munsayac. Si Philip na isang animal ang pinakamabagsik na nilalang na naimbento ni Munsayac na tumira sa kanyang prosa, ang pinakasolido at pinakaabstraktibong representasyon ng pagiging aso na dayuhan ang ilan sa mga Filipino; ngunit kailangan si Philip ay mapunta doon una, sa literal na level ng pag-angkin-literal na nanggaling ito sa Japan at simbolikal na naggaling sa dayuhang bansa.
Pulidung-pulido na pag-aasawa ng realidad at ang semiyotika ng asong sa huli ay kinayang igupo ng mga pulgas, mga maliliit na nilalang na mabibilis magtago sa kakapalan ng balahibo, mga huthot din na rebolusyonaryo na nagtatago sa mga nayon o kabundukan, kakagat ng mga pang-aambus at saka mabilis na sasalisi, magtago sa mga balahibo ng bayan. Kakalmutin ni Philip ang kanyang balahibo upang alisin ang mga pulgas ngunit ang kanyang sarili ang sinusugat; pilit na kakalmutin ang mga balahibo ng bayan upang alisin ang mga lehitimong rebolusyunaryo na ngayon ay binansagang bandido; ngunit nasasaktan ang bayan dahil sinasakal ng militaria ang aktibidades ng madla.
Maganda ngang pagmasdan ang mga bonsai na mumunting representasyon ng kagubatan, ang kanilang balibali at nakurapay na puno, mga maliliit na sanga at maliliit din na dahon. Sila ay hindi mga simbolo lamang dito, sila man ay tauhan, mga tauhan na aking narinig bagamat hindi nagsalita, nadama ko sila, kahit wala silang mga mata na pintuan sana ng kanilang kaluluwa. Gusto nilang kumawala din, nang mabuhay na malaya. Bonsai nga ang gustong mangyari ng makapangyarihan, ang kanyang dunong at mga kamay ang magdidikta ng paglago at usbong ng mga dahon.
Nagsasalita ang mga bonsai at sumasagot ang pakasaritaan ng binonsai na bansa sa kanila!
Talagang makapangyarihan ang taong nakapagbobonsai lalo na kapag ang ili mismo ang naging halaman na binobonsai, lalo na kung ang mga umili mismo ang ginuguntingan ng kanilang paglago, kung ang mga bisig ng sambayanan ang binabali upang umayon sa anyong gustuhin ng makapangyarihan. Isang arte ang pagbobonsai, isang masaklap na arte ng pagkadiktadura, isang baliw na arte na dapat ibasura Hindi isang arte ang pagbobonsai, yan ang narinig kong lihim na komentario ng may-akda. Yan ay sa literal at semiyotikal na lebel.
Noon pa man, binonsai na ang ating bayan, hinubog ayon sa arte ng mga mapuputi, hinugis ayon sa korte ng kanilang estetikong kahangalan, ang kanilang imperyalistang balabala, ayon sa kanilang ekonomikong pagdama. Hindi ba’t ang pagkamkam ang isang lupain at pagsupil sa isang lumalagong kabihasnan ay isang pagbobonsai, isang pagkitil sa usbong ng kalikasan? Unang tapyas ng gunting ng pagbonsai sa atin ang pagparito ng mga Kastila at pinakialaman ang kapuluan ayon sa dikta ng Kastilyehong agenda. Isang magastos at mahabang proseso ang pagbonsai sa isang bayan, uusbong at uusbong ang mga rangaw32 ng kalikasan; ang mga rebolusyon ng dahon at ugat at kailangan mo ng matalas na gunting na mga guardia sibil at espia at alambre ng krusipiho at krus na hawak ng mga prayle upang mananatiling naaayon sa gusto mo ang bonsai na bayan.
Nakawala nga iyon at lumago ng konti nang pangalawang tapyasin ng mga Amerikanong
agongan33 ayon naman sa kanilang konsepto ng pagbobonsai. Naging gunting nila ang edukasyon at naging alambre ang demokrasia, at ipinipilit na iyon ay kanilang pamana sa kayumangging kamalayan. Kung tutuusin nga sana; isang aksidente ng kronika na “pinamanaan” tayo ng demokrasia, ngunit magiging insidente sana ng kasaysayan na magkakaroon tayo nito. Malinaw sa mga unang dokumento at proseso ng pamahalaang rebolusyon ng ating ninuno na demokrasia nga iyon, demokrasia sa ating mga mata at hindi sa mata ng mga tagapagbonsai na agongan!
Sa isang mambabasa, isang elemento ng leyenda ang muling “pagkabuhay” nina Julia at Ento, ang pagkawala ng kanikanilang bangkay at pagtira nila sa isang yungib sa Susong Dalaga. Ngunit mas naging leyenda ang nangyari kay Juan Lazaro, ang pinakahuling supling ng himagsikan nang lumisan ito sa bukid at sumapi sa militaria upang tumugis at pumatay hindi sa mga talagang kaaway ng kanyang uri kundi sa mismong uri ni Juan Lazaro. Natulig siya at sa huli, nakita ang tunay na kalaban niya, ang uri ni Kabesang Duwardong Putol. Sa huli, nakiusap ang kasaysayan sa kanyang kamalayan at naunawaan niya: ang mga kaaway ay hindi mga riningiad 34 na paa ng mga magbubukid kundi ang mga
buy-ong35 ng mga propitaryo!
Nang naisaisip ni Juan Lazaro na ayaw niya sa bukid, nagkaroon siya ng krisis ng pagkatao, nagkasakit siya ng malubha tulad ni Lazaro sa Bagong Tipan. Nang pumasok sa hukbo ng bayan si Juan Lazaro, yun ay isang kamatayan niya, kamatayan ng kanyang espiritu, kamatayan ng kanyang simulain, pagpikit ng kanyang mata sa katotohanan, pagtiklop ng kanyang mga pandama sa masa. Masasabi din nating sa isang saglit, namatay ang isang pag-aklas.
Dumilat muli ang mga mata ni Lazaro at nakita ang katotohanan, nabuhay muli ang kaniyang pag-aklas, pumanumbalik ang kanyang ipinahiram na espiritu nang iumang niya ang kanyang baril kay Kabesang Duwardong Putol. Si Juan Lazaro ay isa sa mga malalaking enigma ng nobela, isang kamatayan at isang pagkabuhay na nagsisilbing alingawngaw ng pagkawasak at pagbuo, paghimlay at pagbangon, pagtulog at paggising. Dagundong ito ng kamatayan at pagkabuhay, isang muling apirmasyon sa pananampalatayang malawakan na may buhay pagkatapos ng lahat.
Nararapat ding sabihin na ang Lupang Hinirang, ang
Ina a Daga36 ay isa rin sa mga pinakatampok na tauhan sa nobelang ito. Siya ang naging biktima ng pamimilit dito, pagyurak sa kanyang sagradong dangal, ang pagsira ng kabundukan at kalikasan dahil sa kagustuhan ng mga propitaryo. Hindi siya nakaimik, ngunit nang lumuha na siya, maraming buhay ang inutang ng kanyang pagluha.
Sinipat ko si Kabesang Pakong, dinama ko ang kanyang pulso at pintig at tumimbuwang ako sa kanyang kalakihan, kung baga sa Jurassic Period, isa siya sa mga pinakalaking Brontosaurus na nabuhay sa nobelang Munsayac na ito. Mas malaki kaysa kaniyang matipunong katawan ang kanyang kasalanan sa madla, hindi ko masisid ang duplikasyon at panlilinlang na ipininta ng may-akda simula pa sa umpisa hanggang sa kaniyang kahuli-hulihang eksena. Koloniyal na Filipino na mala-diyos ang asta, nagsasalita siya upang sabihin niya sa madla ang malaki, maputi at makadayuhang kaluluwa niya, na kaluluwa din ng ating bayan. Nakipag-usap sa historia si Kabesang Pakong, autoritatibo, mataas, matayog, parang nakalulon ng asador. Sumagot ang bayan sa kanya ng isang pisikal at moral na leksiyon na maiintindihan lamang ng isang kaluluwa na bininyagan sa pagkahayup.
Ipininta siyang diyos sa simula, naging diyos-diyosan, naging tao, naging animal sa huli, naging personipikasiyon ng kaaway na gustong pagtagumpayan ng rebolusyon. Isa ito sa mga pinakamura at pinakarumaldumal na ironyang ingrediente ng nobela- ang pagbulusok ng pagtingin ng mga tao sa isang ipinalagay nilang diyos, sinampalataya at pinagsilbihan, pagkatapos nga ay silain, lapain sila; isang aso na walang pinagkaiba sa asong dayuhan na kanyang alaga.
Mabagsik din si Kabesang Duwardo, nakita ko ang panlilisik ng kanyang mata habang isinisigaw ng mga taumbayan ang hindi na dapat isigaw, ang kanyang kawalan ng ari. Isa iyon sa pagpapamukha sa kanya na lumalaban na ang mga babassit, hinihiya siya dahil alam nila ang kaniyang kahinaan, iginigiit ng ili na ang malakas ay mananatiling may kahinaan at ang kahinaan na iyan ang magpapabagsak nito. Dahil nakipagdayalogo siya sa karahasan, sumagot ang pakasaritaan ng karahasan.
Ito ang mga ariwengweng, mga heteroglossia –maraming boses ng kasaysayan, lipunan, psyche, identidad, pagkatao ng Filipino sa Filipinong rebolusyon na nag-uusap-usap o nagsasalita sa mga tinig ng nakaraan, ngayon at maski bukas.
II. PAG-ANGKIN ng INTERPRETASYON, INTERPRETASYON ng PAG-ANGKIN
Kung minsan, lumalabas ako sa akda na dungisan, pawisan, luhaan, duguan, gutaygutay, sumisigaw, naghuhuramentado! Lumalabas ako sa aking realidad na isang anino ng aking karanasan, nanlilisik ang aking mga mata, napipiga ang puso, naaagnas ang kaluluwa! Nakikipag-usap ang akda sa akin at sumasagot din ako!
Nagmumura ako sa aking kaliitan at kawalan ng
kaimudingan37 sa mga pangyayari, sinisisi ko ang sarili na isinilang sa maling panahon o sa tamang panahon ngunit maling konteksto. Bakit nga ba ganun?
Ngunit kailangan ko munang lumabas upang buuin ang aking pag-angkin sa buhay, sa karanasan na aking natanggap sa loob ng ili, at pagilian at
tignayan38 na linikha ng may-akda. Salamat, makata at pinatira mo ako sa mga bundok at yungib at burol at kapatagan ng pakikibaka, ng pagpapasakit, ng pagdurugo ng mga kapatid sa bayan sa mahaba-haba ding panahon.
“The workers have nothing to lose but their chains! They have a world to gain.” Iyan ang pamosong pagwawakas ni Karl Marx sa kanyang Communist Manifesto. Ang mga katagang yan ay humantong sa mga pahina ng akda sa isang binago at pinasantong konteksto ng pakikibaka, isang kayumangging depinisyon ng Komunismo.
Nakasaad ang estetiko ng pakikipagdangadang ng nobela sa estetiko ng komunismong kilusan, komunismo ng mga mababa, hindi ang komunismo na pinamumunuan pa rin ng mga pangulong partidista na nabibigyan pa rin ang mga pinuno ng pagkakataon na mang-api sa mga umili. (Dito, napakababa ang pagpapahalaga ng mga Marxistang estado sa pagbubuwag ng politika at burokrasia at maski si Marx mismo ay nahiya rin dito, at sa kanyang kamatayan sinabi niya: “I am not a Marxist!”)
Malinaw na naintindihan ni Ento ang akem39 ng mga mahihirap sa tunggalian ng mga uri nang kanyang ipaliwanag na “ang mga mahihirap at mga magsasaka ay parang mga martilyo at karit” na ginagamit ng mga asendero upang “umani ng tagumpay at kapag nakagapas na ay ibabalik na sila sa dati.”
Ngunit ang katuparan ng Komunismo na ito ay para sa mga umili, dikta mula sa kataastaasang dimensiyon, ay sinagot ng isang maka-Bibliya at makataong pamamalakad na pinamunuan ni Maning na nagsasabi:
“Kapag inangkin mo at kinamkam ang higit sa iyong pangangailangan, tiyak na may mawawalan, tiyak na may mapagkaitan. Dapat nating hatiin ng pantay-pantay sa lahat ang biyaya ng Panginoon.”
Kung may kilusan na naging komunista at bantog una pa man, ito ay ang kilusan mismo ni Jesus. Isa itong komunismo ng pagbibigayan at pagmamahalan. Tinipon-tipon ni Jesus ang kanilang mga ari-arian nilang magkakasama sa isang supot-kaban ng konting kayamanan. Hinati ni Jesus ang tinapay ng buhay upang pakainin ang lahat, hindi ang iilan.
Umalingawngaw ang ehemplong iyan, madidinig at maisasabuhay sa akda, dahil nga ito ay kasaysayan ng mga nakurapay, napanglaw na nagkakaisa upang bumuo ng pamulinawen40 na pagkakaisa laban sa mga babaknang at may-pinag-aralan; mga amoy-putik laban sa mga amoy-siudad.
Kayumangging Israel ang aking nabuo sa pamayanan ni Maning: tumira ako sa mga toldang kubo sa kagubatang parang; nakinig sa sermon ng isang komunistang Melchisedec na kung tawagin ay Maning lamang; nakipagtanim ng malaya at masaganang palay, mais at balatong at nakipagsilid ng ani sa “isang kamalig na yari sa batong silyar.”
Nilikha ni Munsayac ang Utopiang Bagong Bayan hindi lamang isang instansiya ng aspirasyong amoy-lupa para sa idealistikong pamayanan, ito ay isang pananglibas41 sa realismo ng pamayanang puno ng katiwalian, butas, katauhan at kamunduhan. Lumikha ng may-akda ng isang nobela na nagtangkang sumulat muli at magwasto sa ating pakasaritaan, ngunit sa nobelang iyon, andoon pa rin ang realidad ng ating pakasaritaan kayat napilitan siyang lumikha ng pamayanan at ideal sa loob mismo ng katha upang matakasan ang mga bagahe ng katotohanan na sapilitang dinala niya sa akda.
Hindi ako naniniwala na mas mabuting sinulat ni Munsayac ang kanyang akda na isang nobela kaysa sinulat niya ito na isang epiko. Subalit sa katunayan nga, naging mas epiko pa ito ng sulatin niyang nobela! Samakatuwid, makikita natin na sa nobela na porma ng pagsulat na minana natin sa mga dayuhan, nandoon pa rin ang mga mala-epikong elemento ng ating
kurditan42. Samakatuwid, lumikha si Munsayac ng epikong-bayan ng rebolusyon!
Una sanang naging tauhan ni Munsayac sa epiko ang katauhan ni Nakurapay, isang huthot na walang saplot kundi ang kahirapan at kamangmangan, me anting-anting ito tulad ni Ento, hindi tinatablan ng bala o gulok ngunit tinatablan ng pasakit ang kaniyang pusong tumatangis. Si Nakurapay sana ay anak nina Lupa at Langit, nabuhay sa gatas ng Susong Dalaga… Pero yan ay iba nang opus.
Ang kababalaghan na elemento ng epiko ay unang namalas ng malantad na may anting-anting si Ento, nang malibing si Julia sa parang at nawala ang kanyang bangkay at nakitang pumunta sa isang yungib sa Susong Dalaga at doon nanirahan. Sumunod doon si Ento pagkatapos na mabitay ito at mawala din ang kanyang bangkay nang ililibing na lang sana sa sementaryo. Doon, sa yungib na yon ay nanirahan ang mga naging pinuno ng rebolusyon, mga matatatag at matatapang na lider ng pambansang aklasan. Subalit sa huli, pati na rin ang sagradong bundok na iyon ay tatangkahin agawin ng mga mayayaman, isang premonisyon na kahit pa sa pamamahinga, gusto pa ring gambalain ng mga propitaryo ang pagkahimlay ng mga manghihimagsik at pinaghuhusga. Para na ring sinasabi na sa kamatayan, wala pa ring pagpapantaypantay!
Mala-epiko din nang kalagan ang lupaypay nang bangkay ni Kapitan Ento at humingi ng kapatawaran ang berdugo mula sa bangkay- isang pagsasadulang katulad ni Dimas sa patay nang Tagapagligtas ng lahi.
Sa kabilang dako naman, isang masa ang mga nakurapay sa paghingi ng katuparan mula sa itaas; nang lumakad sila ng paluhod, may dalang kandilang pula-isinusumpa nila ang lupang dinilig ng duguang pawis at pagkatapos ay kinamkam ng mga propitario, “halos magputik sa luha ang lupang Buenavista. Sa dami ng luhang pumatak , ay naghunihan ng mga palaka!”
Nakaugat ang akda sa malaking puwersa ang bayan, ang ili, ang umili. Si Umili ay isang higanteng natutulog, isang higanteng ayaw pagalawin ang buong katawan upang itaboy ang mga anito at anino ng pagkadusta at pang-aapi. Si Umili na kung minsan ayaw makiusap sa kanyang sariling budhi, sa kanyang konsensiya.
Napatunayan nating malakas si Umili. Itinago ng mga umili ang mga gerilyero, sina Ento, Kulas, Julia. Nagkaisa ang mga umili na amponin at angkinin ang pangkat ng mga magpapalaya sa kanila. Matatapang ang mga umili, buong luob sa pakikipagkapuwa, pakikisuyo, pakikidalamhati. Naiwan sa Ka Telong at ang kabiyak na hagupitin, imbestigahan ng mga konstable pagkatapos patigilin si Julia-sinasabi nila na “hindi na kami mahalaga sa pagkakataong ito, ang tagumpay ng rebolusyon ang mahalaga.” Pinatutulog at pinapakain ang pangkat sa mga baryo-baryo, nagmaman-man at nagiging espiya sa mga Amerikano. Pinatira rin ng mga umili ng Bagong Nayon ang mga nalalabing rebolusyonaryo na naging komunista na at pati sila ay pinatay ng mga konstable ng PC.
Itinuturing nating pinakamadamdamin, pinakapuno ng emosyon ang mga sandaling pinasuso si Victorio sa isang ina na nagngangalang Saling; isang pakikisuyo na naging malaganap habang nagtatago ang pangkat ni Ka Ento. Pinasuso ang bata sa suso ng bayan, isang napakalakas na metapora at simbolo na ang umili ay dapat magbigay ng katas ng pag-asa para sa tagumpay, isang konting kontribusyon sa pagkakatubos ng lahi! Kinarga rin ng bayan si Victorio sa mga paglalakbay ng pangkat, isa pa ring metapora ng pagsasabalikat ng mga simulain, mga batang simulain, bantayan ito at palakihin at sa bandang huli ay ngingiti ang tagumpay, kakaway, magsasalita sa lengguaheng gustong marinig ng puso ng bayan.
Isang sigaw o
dung-aw43 na walang titulo kundi kalayaan ang maririnig mo sa bayan lalung-lalo na nang malaman ng bayan na nahuli na si Kapitan Ento, isang dung-aw ng katapangan na umaabot pa hanggang sa pagmamalabis. Ang dung-aw ng bayan na yan ay umabot sa kanyang kresendo nang mapatay si Sarhento Kulas, isang kalunus-lunos na eksena nang tinugis si Kulas pagkatapos ng madugong labanan sa Bulak; nasukol ito sa ilog at nasugatan at sa mismong tubig namatay na tila “Kristong nakapako sa tubig.”
Kasama ng ili ang panahon sa pakikipagluksa sa eksenang napakadakila siguro sa pelikula: ang mga taumbayan na nagdadala ng kingki at ilaw-bagyo upang tanglawan ang ilog na kinalulutangan ng kayumangging martir ng pinaslang na adhika; sumunod ang mga umili nang kaladkarin sa lupa ang patay nang gunita ng Katipunan, pataas sa paso; nalaglag ang bangkay at hinila pa rin, nasabit ang baro sa mga siit, napunit ang gris na uniporme at susunod na napunit ang balat, hanggang sa mga himaymay na himaymay din ng nagluluksang kalangitan; himaymay din ng inaba at inalipustang bayan; himaymay din ng ininsultong karapatan at ipinagkait na dangal!
Isa pang mala-epikong eksena ang sumunod nang itirik ng mga umili ang kanilang mga kandila at sulo sa dinaanan ng bangkay ni Kulas, isang pagtitirik ng sumpa at pagdadalamhati ang pag-iilaw sa landas ng yumaong himagsik. Hindi iisa ang namatay sa pagkamatay ni Sarhento Kulas, namatay ang mga piping pangarap, mga namumuong, liwanag ng pinadilim na kaluluwa, mga butil ng ibinitin na dukhang piging na dadaluhan lamang ng mga mangurkuranges.
Inipon ng mga tao ang bawat natuklap na balat, buhok at balat, tulad ng pag-ipon ng mga sentimientong pinakulo sa galit, tulad ng pag-ingat sa mga mamahaling pingki ng pagbangon na walang kinikilalang katapusan kundi pagkasilang lamang. Kasama ang ili sa pagluluksa at pagbuburol kay Kulas, kasama ang malakas at higanteng ili na ayaw maging pagilian ng pagkabahala.
Isa ngang ili na hindi makuhakuha ang kanyang momentum sa anumang gagawin. Tunay nga kaya ritong tayo ay bansa ng talangka, hindi lamang sa paghihilahan kundi sa pagsulong at kapagdakay pag-urong. Simula pa lang ng akda, nakita na natin ang
ripgas44 ng lakas ng Katipunan, ang alingawngaw ng paghati-hati na sinasagot na rin ng ating pagkapangkat-pangkat bago pa man daratal ang mga
pusasaw45 sa ating mga dalampasigan; pagkahati-hati na sinamantala ng mga pusasaw ng gamitin nila ang mga tiga-Makabebe sa mga pag-aklas sa Luzon at lalo na ng dakipin si Apo Miong. Si Magalat, si Silang, ay ipinapatay sa mga Filipino ng mga pusasaw; ginamit ang mga Lutaw o Samal laban sa rebolusyon ng polo sa lupaing Bisaya. Marami pa, marami pa.
III. ISTAYLISTIKONG PAGSIPAT
Kung musika ang katha at isang kompositor si Munsayac, hindi tayo magkakasala kung tawagin natin siyang kompositor ng mga poliponikong martsa. Martsa ng rebolusyon. Martsa ng pag-aalinlangan ng mga maliliit. Martsa ng historiang malaki at maliit. Martsa ng kuwentong bayan na bayan ang nagkukuwento. Martsa ng pagsulong na dulo pa rin ay hinaing. Martsa ng kamatayang makahulugan, o kamatayang naghahanap pa rin ng kahulugan. Martsa ng pagbabagong maraming dahilan. Martsa ito ng dangadang, ng wayawaya, ng ili, ng umili!
Masarap pakinggan ang martsang iyan. Lalo kung andoon ka mismo, mismong sa awit na iyan ay nakipanirahan ka sa indayog ng mga panitik, sa panitik ng mga lirika, sa tempo ng naiibang oyayi para sa pagsilang ng bagong bayan.
Dumadagundong ang estilo ni Munsayac, iyong tipong tinitiktik muna ang mga kataga, pagkatapos, lakasan, lalakasan at bibilisan hanggang guguho na ang emosyon ng kanyang mambabasa. Inuulit niya ang mga salita at linya at nagmistula itong mga alingawngaw sa pusod ng kamalayan, pumapasok sa mga ugat ng pandama, sasakay sa dugo ng pagkilos, kikiwalin ang kaisipan at gulantangin ang puso upang sumagot din!
Karaniwan, walang apeliyedo ang mga tauhan, wala silang identidad na pinagmulan, walang masyadong komentario ng autor kung ano ang kanilang pinanggalingan; si Ento ay nananatiling Ento hanggang mabitay siya na nalantad na siya pala ay si Crisanto Flores. Pumasok ako sa rebolusyon ngunit hindi ko natandaan ang mukha ni Ento, nakabalot ito palagi ng kawalan ng ilustrasyon, hindi ko nalaman ang kanyang edad, ang uri ng kanyang mata, ang kanyang ilong. Hindi sila nasabi at nananatiling “sinumang rebolusyonaryong Kapitan lamang,” si Ento. Si Kulas ay Kulas lang mula simula hanggang wakas. Si Julia ay Julia din, si Victorio ay mabuti pa at binigyan ng kaunting deskripsiyon na angkop- Kristong katutubo.
Hindi mahalaga ang mga panlabas na deskripsiyon sa akda. Mas mahalaga ang mga poot at pagdurusa at aspirasyon at kaisipan, kasama na ang kabayanihan ng mga mumunting persona na nakipag-usap sa kasaysayan sa pamamagitan ng kanilang dugo at kabayanihan.
Isinasalaysay ang akda sa malawakang omnisiyenteng kamalayan, sinusundan ang kilos ng mga rebolusyonaryo at kung minsan, bumibitiw upang maglaladlad ng kaunting tabing na isang intelehenteng pagbasa at interpretasyon ng kasaysayan. May tatlong aklat ang nobela, ang unang aklat ay nagsimula sa pagkadakip ni Aguinaldo at nagwawakas ng mapatay sina Ento at Kulas. Nagsisimula din ang pangalawang aklat nang ipasiya ni Maning na manahimik muna ang rebolusyon at nagtatapos ito nang matapos ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Nagsisimula din ang pangatlong aklat pagkatapos ng digmaan at nagtatapos sa panahon ng mga komunista. Sa loob nang panahon na iyan, nasundan na ng nobela ang kronika ng himagsikan at isang pangkat ng manghihimagsik sa kanilang pagdaan sa pakasaritaan mula sa Katipunan hanggang sa kasalukuyang panahon.
Samakatuwid ng mga merito ng nobela, nagtataka ako sa piniling pamagat ng may-akda. Isa ngang pagpupugay sa inilagay na mga metapora: ang aso, ang mga pulgas, ang mga bonsai, at ang mga kolorum ang staccatong pamagat ngunit mapapansin na mas lalong napakagandang titulo ng maikling katha noong dekada 60’s at 70’s ito. Kahit na hindi sana nalagay ang aso, ang pulgas, pumili sana si Munsayac ng titulong mas maigsi. Puwede dito ang salitang ‘bonsai’ o ‘kolorum’.
Isang bahagi ng nobela ang bumabagabag sa akin, ang bahaging pagkadakip ni Kapitan Ento. Bakit hindi na nagdala ng kahit isa lang na kasama si Kapitan Ento nang pumunta sa bahay ng kanyang kamag-anak? Dahil mahigpit ang mga konstable at kung mag-isa lang siya, hindi kaduda-duda? Nararapat ba yung nag-iisa ang isang mailap na labuyo ng kagubatan at masusukol sa isang pook? Mukhang napakaduda ang pangyayaring ito at masasabi nating minadali ng may-akda ang pagkahuli ng insurekto. Isa ito sa mga instansiya ng literatura na “makikita ang daliri ng lumikha sa kanyang obra.”
IV. ABSTRAKSION / KONGKRETISASYON
Tunay ngang napakalakas na
panggargari46 sa mga alagad ng sining ang hiling ng panahon upang lumilok ng mga walang kamatayang obra na isang sagot, isang pagpuno, isang pagwawasto, isang alingawngaw, o isang reaksion sa mga puersa ng historia, sosyedad, kamalayan ng tao. Sa mga sandaling malaki ang motibasyon, tumatayo ang mga makata ng bayan upang bumigkas ng mga epikong hinugot sa dibdib ng pagilian at gagawin ang mga salitang agua bendita ng kamalayan.
Gusto kung tingnan Ang Aso, Pulgas, Bonsai at Kolorum ni Jose Rey Munsayac na isang pakikipagdayalogo sa isang lipunan, isang pakikipag-usap na may layon na hilingin ang muling pagkasabi ng mga katagang masakit ngunit nabitiwan na, muling pagbigkas ng mga salitang hindi karapatdapat, mga salitang umagaw sa honor ng bayan at naglagay ng madlang rebolusyon sa perspektibo ng pagiging mang-aagaw lamang.
Gusto kung pakinggan ang mapaghamon na boses ni Munsayac. “Sabihin mo ulit?” yan ang pakikinig ko, isang paghahamon sa mga pusasaw na puersa ng lipunan upang bawiin nila ang kanilang dikta at mapolitikang lengguahe at panangnagan, bawiin nila ang tawag nilang bandido, remontado, kolorum, sakdal, huk, NPA, komunista sa bayan na naghahangad lamang na mabigyan sila ng kaunting kaimudingan sa lipunan na pinapagalaw ng pera, dunong at binayarang karangalan.
Tunay ngang mabisa ang politika ng panangnagan sa ating lipunan, isang panangnagan na naglilihis sa historia upang parating agawan ng karapatan ang mga babassit, mga puwing, agawan sila ng bantayog at bandila, agawan sila ng ng kahit kaunting
pakalaglagipan47, kaunting dangal na ihaharap nila sa kanilang angkan na daratal. Napakasakit yan, isang mangmang na binawian ng pangalan, isang bayan na napugotan ng ulo, nawalan ng pagmumukha.
Matulis ang pagkakasabi ni Munsayac na ang kanyang isinulat ay isang radikal na paglilihis sa landas ng kontemporaryong pakasaritaan. Isang makapal na bagong litanya ng bautismo ang isinulat ni Munsayac o kung hindi man isang bago ngang inkantasyon para sa pag-alis ng mga an-anito48 ng pakasaritaan.
Gugulgolan49 nito ang bayan sa mga umaga pang hindi pa nasisilang, aalisin ang mga dukaw, sa pamamagitan ng mga ikkis50 at dung-aw ng pag-aklas nina Ento, Julia, Kulas at Juan Lazaro at oyayi ng kumukulong pananahimik nina Maning at Victorio, upang ang ili ay magiging ili ng dukhang bantayog, ili ng mga babassit na karangalan, ili ng huthot na dangal! Hindi na ang maka-pusasaw na pagilian na binonsai nina Kabesang Pakong o Duwardong Putol o Don Chioco.
Sa puntong doon hindi na babawiin ang kagitingan sa mga babassit na tunay na may-ari niyon. Hindi na aagawin ang kronikang nilikha nila. Hindi na sila pupugotan ng kadakilaan.
Sana, balang araw, titiklopin din ng mga anak ng madla ang aklat ni Munsayac pagkatapos na basahin iyan. Titiklopin din at sasabihin na may ngiti: “hindi na nangyayari ito ngayon!”
Ngem kaano a maaramid dayta nasantuan a tagainep ken nalidem a parmata?51(
Dispensarenyon, gayyem roy, kakadua, ta ne, nayabay met dagiti numero kadagiti balikas nga Iloko idinto ta superscriptda koma. Diak impan ti glosarionan, paganusanyo pay laeng, he he)